Ayoko na. Hindi ko alam kung ilang beses ko kailangang sabihin to bago ko maisipang baguhin ang sitwasyon. Sana huli na to, sana, sana… Ayoko na.
Lagi akong napapagalitan ni Mama sa tuwing sinasabi kong “ayoko na..”. Sabi nya bakit ko daw laging sinasabi yun, dapat daw isipin kong “kaya pa” para maisipan kong magpatuloy pa, walang hihinto, walang susuko.
Pero para sakin, ang pagsabi ng “Ayoko na” ang sinyales na handa na akong tigilan ang mga bagay na walang pinatutunguhan at handa na din akong magpatuloy sa ibang direksyon, sa ibang paraan.
Ayoko nang mabuhay sa paulit ulit at walang kabuluhang paglubog at pagsikat ng araw. Ayoko nang pagurin ang sarili ko sa kakakumbinsi sa sarili ko na ayos lang ako. Ayoko nang hayaan lang ang buhay na idikta sakin na pagtyagaan na lang ang nandyan na. Ayoko na, nakakapagod na.
Gusto kong maging responsable sa sarili kong buhay, sa sarili kong desisyon, sa sarili kong pagkabigo at pagtagumpay. Gusto kong maging bahagi ng katuparan ng aking mga pangarap. Gusto kong hanapin ang kasiyahan ko para makapagbahagi din ako ng kasiyahan sa iba. Sana. Sana.
Sana sa huling pagkakataon na sasabihin kong “ayoko na” sana mas maging malinaw sakin kung ano ang gusto ko para mas maging klaro ang lahat. At sana, makuha ko pa ring magtiwala na magiging okay din ang lahat. Okay lang ang lahat.